PBBM, muling binuksan ang Likhang Filipino Exhibition Halls, nangakong patuloy ang suporta sa mga Pinoy designer at negosyante
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Huwebes ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga Filipino designer at negosyante upang higit pang mapalakas ang kanilang kakayahang makipagsabayan sa pandaigdigang merkado, kasabay ng muling pagbubukas ng Likhang Filipino Exhibition Halls sa Pasay City.
Ayon sa Pangulo, ang bagong inayos na Likhang Filipino Exhibition Halls, dating kilala bilang PhilTrade Center, ay nagsisilbing tahanan para sa mga lokal na designer, artisan, at trader upang maipakita ang kanilang mga produkto gaya ng muwebles at ilaw, fashion at tela, dekorasyon sa bahay at mga regalo, produktong pagkain, at iba pang likha.
“To our designers, artisans, entrepreneurs, exporters, and partners, come, make this space your own,” pahayag ni Pangulong Marcos sa pagbubukas na nagdiriwang ng husay ng mga Pilipino.
(“Sa ating mga designer, artisan, negosyante, exporter, at mga katuwang, gawin ninyong sarili ninyong espasyo ito.”)
“I can assure you that this government will support you in your endeavors as you show the world the meaning of Filipino ingenuity through our products,” dagdag pa niya.
(“Tinitiyak ko na susuportahan kayo ng pamahalaan sa inyong mga pagsisikap habang ipinapakita ninyo sa mundo ang kahulugan ng talino at galing ng Pilipino sa pamamagitan ng inyong mga produkto.”)
Ang bagong exhibition hall ay isang world-class na espasyo na nagpapakita ng pinakamahusay na sining at malikhaing gawang Pilipino.
Naglalaman ang lugar ng iba’t ibang gallery na nagsisilbing showroom, marketplace, at incubator sa buong taon, na nagdiriwang ng husay ng mga Pilipino sa iba’t ibang industriya.
Itinatag ang orihinal na PhilTrade Center noong 1979 sa pamumuno ng dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos, ina ng Pangulo, upang ipakita ang disenyo at gawang Pilipino.
Kinilala ni Pangulong Marcos ang malaking papel ni First Lady Louise Araneta-Marcos sa rehabilitasyon at muling pagbubukas ng naturang venue.
Pinuri rin ng Pangulo ang dating First Lady Imelda Romualdez Marcos na tinawag niyang “the inspiration, the creator, the implementor, the enforcer who started the entire idea of presenting Philippine crafts and products.”
Inaasahan ni Pangulong Marcos na magsisilbing launchpad ang Likhang Filipino Exhibition Halls para sa mga lokal na manufacturer at exporter, na magbibigay sa kanila ng access sa mga mamimili, turista, at mga delegasyon na dumadalo sa mga pandaigdigang kaganapan na ginaganap sa Pilipinas.
Magsisilbi rin itong incubation space na sumusuporta sa product development at packaging services para sa mas malawak na merkado.
Binanggit ng Pangulo na palalakasin at palalawakin ng lugar ang mga export promotion initiative, na magbibigay ng mas malaking access sa merkado at internasyonal na exposure para sa mga produktong Pilipino, na napapanahon habang naghahanda ang bansa para sa Chairship ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong taon.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 75, binigyan ng kapangyarihan ng pamahalaan ang Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM) na pamunuan ang pagpapaunlad ng Likhang Filipino bilang pambansang tatak sa pamamagitan ng promosyon ng mga produktong Pilipino sa pandaigdigang merkado.
Matapos ang kanyang working visit sa United Arab Emirates, ipinagmalaki ni Pangulong Marcos ang kalidad ng mga produktong gawa sa Pilipinas, at sinabing hindi na kailangang ipaliwanag ng mga Pilipino ang kalidad ng kanilang produkto sa pandaigdigang merkado dahil ang husay ng pagkakagawa ay nagsasalita na para sa sarili nito.
“There is nothing but immense pride that comes from recognizing our own, from seeing materials shaped by Filipino hands, ideas rooted in Filipino culture, and designs that feel both familiar and exceptional,” diin ng Pangulo.
(“Walang kapantay na pagmamalaki ang dulot ng pagkilala sa ating sariling likha—mula sa mga materyales na hinubog ng kamay ng Pilipino, mga ideyang nakaugat sa kulturang Pilipino, at mga disenyong pamilyar ngunit kakaiba.”) | PND
No Comments Yet...